Ang lider ay isang sangkap lamang ng tagumpay,
Ang masa ang siyang tunay na mapagpasiya.
Maraming beses na nating sinabi sa kanila,
Subalit makunat talaga ang kanilang utak,
Ayaw nang talaban ng ating katotohanan.
Iligpit ang lider at tuluyang mawawasak
Ang rebolusyong binabalak, iyan lamang
Ang kaya nilang paniwalaan.
Ulianin ang katarungang atas ng Malakanyang,
Dinaklot ng batas na walang kinamuwangan
Ang lider ng Anakpawis, di-umano’y imbitasyong lang,
Proklamasyon 1017 ang mahigpit na dahilan.
Nang maikandado ang seldang kulungan,
Inakala nilang nalumpo na ang himagsikan,
Kaliweteng party-list di na makagagalaw.
Subalit ang mga manggagawa, lahat ng anakpawis
Na walang pangalan sa mga pabrika at lansangan,
Ang mga pagtutol na isinisigaw, ang pagkakabigkis
Lalong tumitibay—Palayain si Crispin Beltran!
Ang masa, ang masa, pag nabuksan ang isipan,
Uugit ng landas tungo sa kalayaan.
Diwa ni Ka Bel di kayang ihiwalay ng rehas na bakal
Sa sambayang kanyang pinaglingkuran,
Naging sinag ng araw na tumimo sa kamalayan,
At ngayo’y liwanag na nagpupumiglas
Sa dilim at dagim na isinasabog ng Malakanyang.
Loob nati’y tibayan, likumin ang kaliwanagan,
Bukang-liwayway ng ating paglaya’y
Hinding-hindi na mapipigilan!
Other poems by Bienvenido Lumbera worth reading: Servant, A Eulogy of Roaches